May mahalagang tungkuling gustong gawin ni Hesukristo nang magpunta siya sa mundo, 2000 taon na ang nakararaan. Nagpunta Siya rito para bigyan ang mga taga-Israel, ang nahirang na bayan, ng isang bagay na magpapabago sa kanila para maging katulad Niya—isang Anak ng Diyos.
Bugtong na Anak ng Diyos si Hesukristo
Wala sa atin ang katulad ni Hesukristo. Bagama’t naniniwala tayong lahat na dahil Kristiyano ang tawag sa atin, mga anak tayo ng Diyos. Hindi ito tama! Si Hesukristo lamang, sa lahat ng tao sa mundo, ang may karapatang matawag na anak ng Diyos.
Naiiba sa ating lahat si Hesukristo dahil nasa kalooban Niya ang espiritu ng Ama. Natatangi Siya sa lahat ng tao dahil wala sa ating kalooban ang espiritung iyon. Tandaan kung paano isang araw ay dinalaw si Maria ng isang anghel at nagsabing magsisilang siya ng isang sanggol na magliligtas sa bayan ng Diyos mula sa kasalanan. Magdadalantao siya sanhi ng Espiritu Santo. Kaya nang isilang si Hesukristo, naninirahan na sa Kaniya ang espiritu ng Ama. Ito ang katangian ng isang anak ng Diyos.
Maitatanong: kung hindi tayo anak ng Diyos, sino tayo?
Tinanggap nina Adan at Eba ang espiritu ng demonyo
Kung babasahin ang Libro ng Henesis kabanata 3, makikita kung paano niloko sina Adan at Eba ng demonyo na nag-anyong ahas. Tinukso sila nitong tikman ang bungang ipinagbawal ng Diyos na kainin nila. Ito ang bunga ng Puno ng Kaalaman sa Masama at Mabuti. Nang suwayin nila ang Diyos, naitanim sa loob nila ang espiritu ni Satanas at sila ay naging mga anak ng demonyo sa halip na mga anak ng Diyos. Ipinamana nila ang espiritu ng kasalanan na ito sa lahat ng taong isinilang sa mundo, maliban kay Hesukristo. Kaya tayong lahat ay isinilang na mga anak ng demonyo.
Ipinangaral ni Hesukristo ang pagsisisi
Nais baguhin ng Ama ang kalagayang ito, kaya’t Siya ay pumarito, nagkatawang tao sa kalagayang Hudyo, upang ipangaral ang magandang balita ng pagsisisi. Nababasa natin sa Bibliya na madalas ipangaral ni Hesukristo sa mga tao, “Magsisi kayo; sapagka’t malapit na ang kaharian ng langit!” (Mateo 3:2) Sinabi rin Niya, “Kapag hindi kayo nagsisi, hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Diyos.”
Ano ang pagsisisi?
Ang pagsisisi ang mensahe ng kaligtasan. Kapag nagsisi ka sa pagsasabing “Ama, mula ngayon, ang kalooban mo at hindi na ang kalooban ko ang masusunod sa buhay ko,” ang dating suwail na espiritu ng demonyo ay maaalis sa loob mo at mapapalitan ng bagong espiritu, ang espiritu ng Ama. Kapag nagsisi tayo, may pagbabago na mangyayari sa loob natin at magsisimula tayong sundin ang kalooban ng Ama sa ating mga buhay.
Ayaw magsisi ng Israel
Paulit-ulit, ipinangaral ni Hesukristo ang mensaheng ito sa Israel, pero hindi Siya pinakinggan ng mga Israelita. Nagalit sila nang sabihin ni Hesukristo na hindi sila mga anak ng Diyos kundi ng demonyo (Juan 8:44). Itinakwil Siya at ipinako sa krus. At dahil sa tigas ng kanilang puso, itinakwil din sila ng Ama. Binawi Niya ang kaligtasan na ibinibigay Niya sa kanila at bumaling sa mga taong tatawagin Niya bilang Kaniyang bagong hirang na bayan.
Isang bagong bayan ng Diyos
Sinasabi sa atin ng Aklat ng mga Romano ang tungkol sa bagong bayang ito na tinawag ng Ama para maging tunay Niyang mga anak. Sa Mga Romano 9:24-26, sinabi Niya sa atin, “Maging sa atin na sa Kaniya namang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi mula naman sa mga Gentil?
“Gaya naman ng sinasabi Niya sa aklat ng Oseas, Tatawagin Kong aking bayan na hindi ko dating bayan; at iniibig, na hindi Ko dating iniibig.
“At mangyayari, na sa dakong pinagsabihan sa kanila, kayo’y hindi Ko bayan,ay riyan sila tatawaging mga anak ng Dios na buhay.
“At si Isaias ay sumisigaw tungkol sa Israel, Kung ang bilang man ng mga anak ng Israel ay maging tulad sa buhangin sa dagat, ay ang nalalabi lamang ang maliligtas:
“Sapagka’t isasagawa ng Panginoon ang Kaniyang salita sa lupa, na tatapusiin at paiikiliin.
“At gaya ng sinabi ng una ni Isaias, Kung hindi nag-iwan sa atin ng isang binhi ang Panginoon ng mga hukbo, Tayo’y naging katulad sana ng Sodoma, at naging gaya ng Gomorra.”
Naiwan ang isang binhi sa Israel
Sinabi sa Bersikulo 29, “Kung hindi nag-iwan sa atin ng isang binhi,” nawasak na sana tayo gaya nang pagkawasak ng dalawang siyudad. Ngunit, may iniwang binhi ang Ama na yao’y Kaniyang espiritu na ipinaloob sa katawang tao, ang pangalan ay Hesukristo. Siya ang mabuting binhi.
Sa Isaiah 53:10 mababasa natin “Gayon ma’y kinalugdan ng Panginoon na mabugbog Siya; (ito si Hesukristo bilang Anak ng Diyos sa kalagayang Hudyo) inilagay Niya Siya sa pagramdam: pagka iyong gagawin ang Kaniyang kaluluwa na pinakahandog dahil sa kasalanan, makikita Niya ang Kaniyang lahi (binhi), pahahabain Niya ang Kaniyang mga kaarawan, at ang pagkalugod ng Panginoon ay lalago sa Kaniyang kamay.”
Mahalaga ito dahil kahit ipinako sa krus si Hesukristo, hindi namatay na kasama Niya ang binhi ng Ama. Naghihintay lamang itong maitanim muli sa isang bayan na tatanggap sa Kaniyang mensahe ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagsisisi. Tatawagin ang bayang ito na mga anak ng Diyos, ang Kaniyang bagong hirang na bayan.
Nagapi sa wakas si Satanas
Kaya sa kamatayan, maligaya si Hesukristo dahil nakita Niyang umunlad ang Kaniyang binhi! Nakita Niya ang unang makatatanggap ng espiritu ng Ama at magiging katulad Niya—isang anak ng Diyos.
Isa itong tagumpay! Ibig sabihin, nagtagumpay sa wakas ang plano ng Diyos sa kabila ng lahat ng paghadlang dito ni Satanas! Napigil Niya ang espiritu ng Diyos na tumahan sa loob ng tao nang maloko Niya sina Adan at Eba sa Hardin ng Eden at inakalang muling mapipigil ang kaligtasan sa pagkamatay ni Hesus sa krus! Ngunit hindi niya alam na si Hesus ang binhing dapat maitanim at mamatay para matanggap ng iba ang kaligtasan. Nagapi sa wakas si Satanas.
|