(Unang Bahagi)
Nakikita natin na araw-araw, tayo ay patuloy na inihahatid patungo sa espirituwal na layuning nais ng Ama na ating matamo. Tayo ay nasa antas ng kaunawaan na hindi bukas sa panlabas na daigdig o outer world, o maging sa Kristiyanong daigdig o Christian world.
Ang inner world at ang outer world
Ang outer world ay ang panlabas na daigdig na iyong nakikita. Ang impluwensiya, ang atmospera at ang kapaligiran na iyong nalalaman, maging ang iyong mga paniniwala ay ang panlabas na daigdig, gaya ng relihiyosong komunidad. Sa Kristiyanong komunidad, napakinggan mo ang Salita ng Diyos nang naaayon sa mga relihiyosong paniniwala at interpretasyon. Ito ang tinatawag na panlabas na daigdig. Hindi nakikilala ng mga tao sa panlabas na daigdig ang tunay na nagaganap sa panloob na daigdig o inner world.
Kinakailangan mong magkaroon ng kaugnayan sa inner world upang mabatid mo kung ano ang nangyayari rito, sapagka’t kung hindi, ikaw ay magiging bulag sa espiritu. Kung ikaw ay bulag sa espirituwal na aspeto, ikaw ay aasa sa iyong limang pandama. Kung ikaw ay umaasa sa iyong mga pandama, ikaw ay magiging limitado at hindi mo malalaman ang mga bagay na hindi kayang arukin ng iyong mga pandama, na mababatid mo lamang sa pamamagitan ng pananampalataya.
Hindi lahat ng nangangaral ng Salita ng Diyos ay nakababatid sa kahulugan ng inner world. Sila ay dumedepende lamang sa panlabas na kaalaman ng outside world.
ANG BAGONG PANANAW
Nabigla ang Kristiyanong daigdig nang ipinahayag ko na ako ang Anak ng Diyos. Tinawag nila akong blasphemer dahil iniisip nilang pinapalitan ko ang posisyon ni Jesus Christ, na para sa kanila ay ang tanging Anak ng Diyos.
Subalit ito ang tinatawag kong Bagong Pananaw o New Paradigm. Ang Bagong Pananaw ay ang bagong kaunawaan sa kung ano ang ordinaryo para sa iyo. Ito ay higit pa sa ordinaryo, sapagka’t ang pang-unawang ito ay nagmumula sa Kanya na nakababatid sa lahat ng bagay. Palaging may nangyayaring pagbabago sa bagong pananaw – sa higit na mataas na antas ng kaunawaan na higit pa kaysa sa ating nalalaman.
Ang teknolohiya natin 20 taon na ang nakalilipas ay maituturing na lumang pananaw, at ang teknolohiyang nalalaman natin sa kasalukuyan ay ang bagong pananaw. Kung ang kasalukuyang teknolohiya na nalalaman natin ngayon ay nabatid ko na 20 taon ang nakalilipas, maaaring ako ay itinuring na baliw. Kung ipinakilala ko ang texting o pagpapadala ng text message 20 taon na ang nakalilipas, maaaring kayo ay nabigla. Ito ay hindi ninyo mauunawaan.
Ito ay katulad din ng pag-unlad ng kaalaman at ang pagpapahayag ng katotohanan sa iba’t ibang paraan. Maaaring kayo ay mabigla sa pagkakabatid ng katotohanan, subalit, ito ay totoo. Gawin nating halimbawa si Copernicus.
ANG HALIMBAWA NI COPERNICUS
Ang paniniwala sa panahon ni Copernicus ay ang araw ang siyang umiikot sa mundo. Natuklasan ni Copernicus sa pamamagitan ng matematikal na pagsasaliksik na ang mundo ang siyang umiikot sa araw. Ang pagkakatuklas na ito, ay sumaliwat sa komon na paniniwala sa kanyang kapanahunan. Dahil dito, siya ay inusig. Hindi nila ito matanggap bagaman ito ang katotohanan.
Siya ang tanging nagpahayag na ang kanilang pagtuturo ay mali. Ipinahayag niya na ang mundo ang siyang umiikot sa araw. Paano kung tinanggap nila ang katotohanang ipinakikilala ni Copernicus? Babaguhin nila ang lahat ng nailimbag na aklat. Sila ay mapatutunayang nagkamali. Paano ang mga estudyanteng nagtapos sa kanilang mga uniberso? Marahil ilan sa mga tao sa kapanahunang iyon ay naniniwala na tama ang kanyang sinasabi subalit ito ay hindi nila matanggap. Pinairal nila ang kanilang amor propio o pride at pinanindigan ang pagkakamaling hindi nila gustong iwasto dahil sa mga epektong maaaring mangyari kung ito ay kanilang gagawin.
Ang nangyari kay Copernicus ay katulad din ng nangyayari sa akin sa kasalukuyan. Kung tinanggap ng Kristiyanismo ang mensahe na aking ipinahahayag, ano ang mangyayari sa mga relihiyosong mangangaral? Kakailanganin nilang bumalik sa kanilang pag-aaral at sila ay mapatutunayang mali. Ito ang dahilan kung kaya’t hindi nila matanggap ang aking pangangaral.
ANG BAGONG ALAK NG KAPAHAYAGAN
Ngayon ay akin nang ipinahahayag ang mga bagay na hindi itinuro ng relihiyon at denominasyon, at ng Kristiyanismo, bilang kabuuan. Ako ang tanging tinig na sumisigaw sa ilang at nagpapahayag ng katotohanan, subalit ako ay kanilang inuusig. Isa sa mga kapahayagang ibinabahagi ko ay ang aking pagiging Anak ng Diyos. Pinapalitan ko ba ang posisyon ni Jesus Christ? Hindi. Si Jesus Christ ang siya nang Ama sa hentil na kapanahunan. Ako ang Kanyang Anak. Siya ang aking Ama sa espiritu. Tinataglay ko ang Kanyang spiritual DNA.
Tayong lahat na mga lipi nina Adan at Eba ang pokus ng Kanyang kaligtasan. Nang ang ating unang mga magulang ay nagkasala sa Hardin ng Eden, ang serpent seed o binhi ng ahas, na siyang espiritu ng pagsusuway sa kalooban ng Ama ay naipunla sa kanila. Ito ang binhi ni Lucifer. Ang binhi ng Espiritu ay ang mga salitang iyong tinatanggap at pinaniniwalaan. Sinabi ng Panginoon, “Huwag kang kumain.” Sinabi ng kaaway, “Kumain ka.” Pinaniwalaan ng tao ang kaaway kung kaya’t ang binhi ni Lucifer ay naipunla sa tao.
Dumami ang tao, taglay ang espiritu ng pagsusuway iyong kalooban.
Itong lahat ay ipinahayag sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Ipahahayag ko sa inyo ang mensahe ng Ama bagaman maraming tao ang sasalungat sa akin. Ako ay sinalungat ng marami dahil sa aking mensahe. Subalit ang mga tao ay patuloy na nakikinig sa aking mensahe sapagkat nalalaman nilang sila ay may napupulot sa aking sinasabi na siyang katotohanan.
(Ikalawang Bahagi>>) |