(Unang Bahagi)
Noong nakatira sina Eba at Adan sa Hardin ng Eden, wala silang kasalanan. Malinis ang puso nila at hindi sila marunong gumawa ng masama. Naging hari at reyna sila ng lahat ng nilikha ng Diyos at malayang kumain ng lahat ng prutas sa hardin, maliban sa isa—mula sa punong nasa gitna ng hardin, na tinawag ng Ama na Puno ng Kaalaman sa Masama at Mabuti.
“Huwag ninyong kainin ang bunga ng punong ito,” ang sabi ng Ama kina Adan at Eba sa Henesis 2:17, “dahil sa araw na gawin ninyo ito, kayo’y mamamatay.”
Mahalaga ang mga salitang ito dahil hindi lamang ito babala. Utos ito na tuwirang galing sa Diyos. At nasa mabuting kalagayan sana ang tao kung sinunod nina Adan at Eba ang utos. Pero sa halip na sumunod, nilabag nila ang Kaniyang kalooban.
Isang araw, habang naglalakad sa hardin si Eba, ang demonyo, ang hari ng kasinungalingan, ay lumapit sa kaniya sa anyo ng serpiyente, at nagsalita, “Sinabi ba ng Ama na mamamatay kayo kapag kinain ninyo ang bunga ng punong ito?”
Nang umoo si eba, tuso niyang idinagdag, “Sinungaling siya! Hindi kayo mamamatay, kundi magiging diyos na katulad Niya, nalalaman ang masama at mabuti.”
At tumingin ang babae sa bunga, at nakita niyang maganda itong tingnan, masarap at gugustuhin dahil gagawin ka nitong matalino. (Henesis 3:6) Inabot niya ito, pumitas ng isang bunga, at kinain. Binigyan din niya ang asawa niya, si Adan, at pareho silang nagkasala ng pagsuway. Ito ang “kasalanang orihinal.”
Natanim sa tao ang masamang binhi
Alam ni Satanas na kapag natukso niya sina Adan at Eba na lumabag sa utos ng Diyos, hindi magagawa ng Diyos ang Kaniyang plano mula pa sa unang araw ng paglikha. Ito ang pagtatanim ng Kaniyang binhi, o espiritu sa kalooban ng tao. Gustong gawin ng Diyos na Kaniyang templo o tahanan ang tao dito sa lupa. Ito ang dahilan kung bakit Niya nilikha si Adan. Pero dahil pinili ng ating mga unang magulang na labagin ang Diyos, sa halip na tumahan sa kanila ang espiritu ng Diyos, ang espiritu ni Satanas o espiritu ng pagsuway ang tumahan sa katawan ng tao.
Mula noon, lahat ng tao, mga isinilang sa laman ay makasalanan. Ipinamana nina Adan at Eba ang binhing itinanim sa kanila ng serpiyente sa lahat ng kanilang anak. Sa halip na maging anak ng Diyos, ang lahat ng lalaki, babae, at bata sa mundo ay nagiging isang anak ng demonyo. Napapailalim ang bawat isa sa kapangyarihan ni Satanas. At sa pagdami natin sa mundo, kumalat din sa buong mundo ang pamamahala ni Satanas.
Ang pagtatanim ng masamang binhi sa kalooban natin ay puwedeng ihambing sa kasal. Sabik ang asawa na maitanim ang kaniyang binhi sa kaniyang kabiyak para magkaanak, pero sa araw bago ang kaniyang kasal, hindi niya alam na may dumating na ibang tao at nagtanim ng ibang binhi sa kaniyang asawa. Nagsuspetsa lamang siya nang maipanganak ang bata dahil hindi niya ito nakakatulad sa anumang paraan. Kaya nagpunta siya sa isang doktor para sa DNA test, at sinabi sa kaniya ang masamang balita, “Hindi sa iyo ang batang ito dahil iba ang DNA niya.”
Isang hibla ang DNA sa ating mga gene na nagsasabi kung sino ang ama natin. Namamana ng isang bata ang kaniyang DNA sa ama, na minana ito sa kaniyang ama, etc. Masusundan natin ang ating minana sa pamamagitan ng hibla ng DNA.
Ang kasalanan ay parang DNA. Isa itong binhi ng ibang espiritu na itinanim sa atin, pero wala tayong magagawa dito dahil minana natin ito kina Adan at Eba. Makasalanan tayong lahat dahil sa binhing itinanim ni Satanas sa atin. Kaya’t sa ayaw man o gusto natin, alam man natin o hindi, si Satanas ang ating ama, hindi ang Diyos.
Ang plano ng pagliligtas
Hindi gusto ng Diyos na manatili sa ganito ang mga bagay-bagay. Kaya gumawa Siya ng plano para mailigtas ang tao at maibalik siya sa relasyong Ama-Anak sa Kaniya. Gusto Niyang maging anak tayong muli. Ito ang plano ng kaligtasan—ang ma-salvage tayo mula sa masamang binhi.
Madalas nating marinig ang salitang “salvage” sa balita, pero sa Pilipinas, “pumatay” ang ibig sabihin ng “salvage.” Pero “mailigtas” ang tunay na kahulugan nito. Gusto ng Diyos na mailigtas ang tao at maitanim sa atin ang kaniyang mabuting binhi tulad ng kaniyang plano mula pa sa simula sa pamamagitan ng Kaniyang Salita. Kung sinunod nina Adan at Eba ang Salita ng Diyos, o Kaniyang utos, wala sana tayong kasalanan ngayon. Matuwid sana tayong lumaganap sa mundo.
Sinimulan ng Ama ang Kaniyang plano ng kaligtasan kay Abraham. Sa kapatagan ng Haran, narinig ni Abraham ang tinig ng Diyos na nagsabi sa kaniya, “Mula sa iyo, bubuuin ko ang aking bayan, at sa iyo magmumula ang mabuting binhi.”
At mula sa lahi ni Abraham, isinilang si Isaac. Mula kay Isaac si Jacob, at kay Jacob ang labindalawang tribu ng Israel, ang bayang hinirang ng Diyos.
Mula Ehipto hanggang kay Hesukristo
Nakipag-ugnayan ang Diyos sa kaniyang bayan sa pamamagitan ng mga pahayag, at yugto-yugto itong naganap. Mula sa pagkaalipin, tinawag ng Diyos ang kaniyang bayan at ipinangako sa kanila ang Canaan, isang lupaing sagana sa pulot at gatas. Sa Canaan, nagdatingan ang mga patriyarka at propeta habang nakipag-ugnayang muli ang Diyos sa kaniyang mamamayan, hanggang sa araw na Kaniyang ipadala ang Kaniyang Anak sa Hudyong katawan, si Hesukristo, para iligtas ang Kaniyang bayan mula sa kasalanan.
Sa dinami-dami ng nilikha ng Diyos, si Hesukristo lamang ang nagtataglay ng mabuting binhi. Gayong isinilang Siya sa laman dahil sa isang tao ang Kaniyang ina, si Maria, hindi niya minana ang masamang binhi. Hindi nagmula kay Satanas ang binhi na nasa Kaniya. Mula ito sa Ama sa Langit. Si Hesukristo ang mabuting binhi na nagkatawang tao.
Paano nangyari ito? Sino ang nagtanim kay Maria ng binhi ng Ama? Nabanggit kanina ang tungkol sa asawang natuklasang may ibang lalaking nagtanim sa kaniyang kabiyak bago ang kanilang araw ng kasal. Ito ang mismong nangyari kay Joseph. Sa araw bago siya ikasal kay Maria, natuklasan niyang buntis na ito. Isa itong kawalang dangal noon at gusto ni Joseph na tahimik na bawiin ang kasunduan. Pero may nagpakitang anghel sa kaniyang panaginip isang gabi at sinabi sa kaniya, “Huwag matakot na pakasalan si Maria dahil hindi mula sa kung sinong lalaki ang binhing nasa kaniya. Galing ito sa Espiritu Santo” (Mateo 1:20)
Tagumpay dahil sa wakas, may sanggol na isisilang na hindi maaangkin ni Satanas. Hindi ito magiging anak ni diablo. Wala itong DNA niya. Mayroon siyang DNA ng Banal na Ama sa Langit. Tatawagin siyang Anak ng Diyos.
(Ikalawang Bahagi>>) |