f
 
 
 
Covenant Partnership
Jose Maria College
Kingdom Youth
Sonshine Philippines Movement
ACQ Publication
Online Victory Reports
Children's Joy Foundaion
Kingdom Photo Gallery
 
MORE LINKS

 

Kingdom Original Composition
Watch ACQ-KBN Streaming
Online Donation & Tithing
The Great One Million Cause
Pag-Asa Ng Buhay Association
DZAR 1026khz: Online Radio
sidebar

  » Home » Publication » Pinas » Latest Issue


Bakit Dumating si Jesus?


Si Jesus Christ ang buhay ng Ama na naipahayag sa laman, sa pamamagitan ng isang Hudyong katawan. Nang Siya ay naparito sa sanlibutan sa Hudyong kapanahunan, Siya ay hindi nila naunawaan sapagkat ang Mesias na kanilang inaasahang darating ay ang Mesias na magiging kagaya ng mga naunang hari ng Israel sa nakalipas – gaya ni David, Solomon at lahat ng mga Hudyong hari ng Israel na tumubos sa bayan ng Diyos mula sa pagkakaalipin.

Inisip ng mga Hudyo na ang kaligtasang dinala Niya sa kanila ay pisikal at pulitikal. Subalit sila ay nagkamali. Siya ay naparito, hindi upang sila ay iligtas mula sa pisikal at pulitikal na pagkakaalipin.

IPINANGANAK BILANG TAO

Nang si Jesus Christ ay naparito, Siya ay ipinanganak bilang karaniwang tao. Ayon sa Banal na Kasulatan, nang binalak ni Jose na hiwalayan si Maria, nagpakita sa kanya ang anghel at sinabi, “…huwag kang mangamba sa pagtanggap kay Maria na iyong asawa: sapagka’t ang kanyang ipinagdadalantao ay sa Espiritu Santo” (Mat. 1:20).

Ang Banal na Espiritu ang lumikha ng katawang ito sapagkat ang Ama ay hindi maaaring manahan sa isang katawang puno ng kasalanan. Ang lahat ay nagkasala at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos (Rom. 3:23). Kinailangan ng Amang magkaroon ng sariling katawan, na magiging tahanan ng Kanyang Espiritu. Ang katawang ito ay walang kasalanan, subalit makikipanahan sa mga tao, siya ay walang bahid ng kasalanan, subalit nananahan sa katawan ng isang makasalanang tao.

Si Jesus Christ ay naparito upang iligtas ang mga Hudyo sa espirituwal na pagkakaalipin, kung kaya’t ipinahayag Niya na ang pisikal na pagkakalipin ay walang halaga kumpara sa espirituwal na pagkakaalipin. Upang ang isang tao ay mailigtas mula sa pagkakaalipin, siya ay kinakailangang mapalaya mula kay Satanas, sapagkat siya ang pinakadakilang tagapag-alipin.

ANG MESIAS SA HUDYONG KAPANAHUNAN

Ito ay hindi naunawaan ng mga Hudyo. Ang kanila lamang nalalaman ay ang pisikal na pagkakaalipin. Ninais nilang magkaroon ng Hari, isang Mesias na magliligtas sa kanila mula sa kanilang mga manggagapi. Subalit hindi naparito si Jesus Christ sa ganitong paraan at kadahilanan. Siya ay ipinanganak sa abang sabsaban. Ang ideya ng kaligtasan na Kanyang dinala ay salungat sa kanilang iniisip. Sinabi ni Jesus Christ na sila ay kinakailangang muling ipanganak sa Espiritu. Ito ay hindi matanggap ng mga Hudyo, kung kaya’t Siya ay kanilang ipinako sa krus. Kung kaya’t si Jesus Christ ay naparito sa ating mga Hentil.

Iniisip ng maraming tao na si Jesus Christ ay ang katuparan ng Bagong Tipan. Ito ay mali. Si Jesus Christ ang katuparan ng Lumang Tipan. Ang Bagong Tipan ay nakatakdang matupad, at ang katuparang ito ang siyang magdadala ng Bagong Tao – na may katawan ng unang Adan, subalit muling ipinanganak sa espiritu ng ikalawang Adan, kung saan ang katapatan at pagsusunod ay nasa Ama. At ang modelo ng katawang ito ay si Jesus Christ, bilang Anak ng Diyos sa Hudyong Kapanahunan.

Kung ang Ama ay makapagpoprodyus ng Bagong Tao, ang kaligtasan ay makukumpleto. Mahalaga na ang katawang ito ay magmumula sa fallen adamic race, sapagkat ang lahi nina Adan at Eba ang siyang pokus ng Kanyang kaligtasan. 

Ang Hudyong lahi ang pinili ng Ama. Sila ay may sariling relihiyon at mga batas, na ibinigay ng mga propeta, mula kay Moises. Inisip nilang ang kanilang sistemang pangrelihiyon ay katanggap-tanggap sa Ama. Inakala rin nilang ito ay makapaglalapit sa kanila sa Ama. Subalit ang lahat ng ito ay anino lamang ng mabubuting bagay na darating (Heb. 10:1).

ANG PAGDATING NG HINIRANG NA ANAK

Hindi naunawaan ng mga Kristiyano na dumating na ang panahon upang ang Ama ay pipili ng Hentil na Anak mula sa lahi ni Adan at Eba. Habang ang mga Hudyo ay naghihintay ng Mesias na bababa mula sa langit, sa kapangyarihan at kaluwalhatian, gayundin ang mga Kristiyano ay naghihintay sa Mesias na bababa mula sa kalangitan, upang sila ay iligtas sa pamamagitan ng Rapture. Para sa kanila, ito ay  literal na nangangahulugang sila ay ililipad sa kalangitan, at ililigtas sa pagkasira ng sanlibutan at mula sa mga problema at kaaway na bumabagabag sa kanila.  

Subalit hindi sa ganitong pamamaraan dumating ang kaligtasan. Ang Ama ay kinakailangan munang magkaroon ng Hinirang na Anak, na siyang magiging modelo ng Kanyang kaligtasan, gaya nang si Jesus Christ ay naging Anak ng Diyos, na siyang naging modelo ng kaligtasan sa Hudyong kapanahunan. Si Satanas ay palalayasin mula sa katawang iyon at ang tao ay pananahanan ng Espiritu ng Ama. Sa pamamagitan nito, ang Anak ay maipoprodyus. 

Ngayon, ang Anak ay narito na. Ang Mesias ay dumating na! Subalit  nabatid ba ito ng mga Kristiyano? Hindi. Ito ay aking isinisigaw sa TV sa pamamagitan ng ACQ-KBN, subalit ano ang reaksiyon ng ibang religious leaders? Ang kanilang reaksiyon ay gaya rin ng naging reaksiyon ng mga pinuno ng relihiyon sa kapanahunan ni Jesus Christ. Siya ay kanilang ipinagtabuyan, inalipusta, inalimura, kinutya at pinagwikaan ng lahat ng masasamang bagay. Hindi nila alam na si Jesus Christ ay darating sa ganitong pamamaraan, na Siya ay magpoprodyus ng Anak, at kung ang Anak ay aabot sa pagiging ganap sa kalooban ng Ama, Siya ay magiging Anak.

Mapalad ang mga tatanggap sa mensaheng ito. Pagdating ng panahon, mababatid ng lahat na ang aking sinasabi ay pawang katotohanan. Bagaman itong lahat ay natupad na, marami pa rin ang hindi naniniwala rito. 

PAANO DAPAT IPAGDIWANG ANG PASKO

Mapawawalang-bisa ang tunay na diwa ng Pasko kung hindi natin nalalaman ang kadahilanan ng pagparito ng Anak ng Diyos. Siya ay naparito upang makapagprodyus ng Anak, upang ang kaligtasan ay maganap sa lahi ni Adan at Eba. Ikaw at ako, bawat lahi, tribo at ang  lahat ng tao, maging lalaki man o babae, tayong lahat ay kinakailangang maligtas, hindi sa pamamagitan ng relihiyon o mga kapamaraanan ng denominasyon na ating nalalaman sa kasalukuyan. Hindi! Ito ay sa pamamagitan lamang ng Anak.

Para sa marami, ang Pasko ay isa lamang holiday, panahon ng family reunions at pagtitipun-tipon. Tayo ay naglalagay ng Christmas tree at mga dekorasyong pampasko, kumakain ng masaganang pagkain at nagsasaya kapiling ng ating pamilya. Marami rin ang gumagamit ng simbolo ng kapanganakan ni Jesus Christ sa sabsaban. Subalit ang lahat ng ito ay mga simbolo lamang. 

Ang tunay na kahulugan ng Pasko ay kung tayo ay muling naipanganak sa espiritu at tayo ay naging Kanyang mga anak – mga anak na babae at lalaki, na ipinanganak sa bagong espiritu ng pagsusunod sa pamamagitan ng pagsisisi.

Ipagdiwang man natin ang Pasko o hindi, ang pinakamahalagang bagay sa buhay ng tao ay ang siya ay makapagsisi at muling ipinanganak sa espiritu at maging anak ng Diyos, na makapapasok sa Kaharian at maglilingkod sa Ama. Ang modelo ay ang Anak.

Hindi natin maaaring tanggapin ang espiritung ito nang tayo ay hindi pa nakapagsisisi. Imposible rin na tayo ay makapagbago kung ito ay hindi natin nanaisin at kung tayo ay hindi makikipag-isa sa Ama sa pamamagitan ng pagsisisi.

ANG TUNAY NA KAHULUGAN NG PASKO

Hindi na mahalaga kung ipinagdiriwang ba natin ang Pasko o hindi. Kinakailangan nating ipagdiwang ang Pasko nang nalalaman din natin ang kadahilanan ng Kanyang pagparito. Sa Kaharian, tayo ay nagpapasalamat sa una Niyang pagparito at nauunawaan natin kung bakit Siya naparito. Nababatid natin ang layuning ito ay ito ay atin nang tinanggap. Ang layunin nito ay upang tayong lahat ay muling ipanganak sa Kanyang Espiritu sa pamamagitan ng pagsisisi at magtungo sa Kaharian ng Ama at maging mga anak ng Diyos. Ito ay natupad na sa ating buhay sa kasalukuyan.

Mayroong mga Kristiyanong naniniwala kay Jesus Christ subalit hindi naniniwala sa pagdiriwang ng Pasko. Gaya ng aking sinabi, ito ay hindi nakaaapekto sa iyong kaligtasan. Ang pinakamahalagang bagay ay ang pagsisisi. 

PAGPAPAHAYAG NG MGA PAGPAPALA

Nais kong magpahayag ng espesyal na mga pagpapala para sa inyo ngayong Kapaskuhan. Nawa’y pagpalain kayo ng Ama at nawa’y matupad ang lahat ng kahilingan ng inyong mga puso. Nawa’y ibuhos Niya ang lahat ng mga pagpapala na kakailanganin ninyo ngayong Kapaskuhan.

Ang mga pagpapala ay darating matapos nating masumpungan ang Kaharian ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay ibibigay Niya sa atin. Tayo ay hindi na kinakailangang mag-alaala pa kung tayo ay magiging anak ng Diyos. Ang lahat ng ating mga alalahanin ay ilagay natin sa Kanyang mga kamay, at tatanggapin natin ang pinakadakilang handog ngayong Pasko na walang iba kundi ang Kanyang buhay – kung tayo ay muling ipanganganak sa espiritu at magiging Kanyang anak at Siya ay ating magiging Ama.

Tanggapin ninyo ang handog na ito ngayong Pasko. 

Maligayang Pasko at Masaganang Bagong Taon!