(Unang Bahagi)
“Si Jesucristo ay Siya ring kahapon, ngayon, oo, at magpakailanman”(Mga Taga-Heb. 13:8).
Ang bersikulong ito ay madalas gamitin ng mga tao, subalit kung sasabihin mo sa kanilang ito ay ipinahayag sa akin at ito ang mensahe na aking ipinangangaral, sila ay hindi naniniwala. Hindi sila naniniwala sa akin sapagkat ito ay hindi naipahayag at natupad sa kanilang mga buhay.
MGA PANAGINIP AT PANGITAIN
Hindi alam ng karamihan kung ano ang nangyayari sa espirituwal na daigdig at ginagamit nila ang Biblia bilang Salita ng Diyos. Hindi ba nila alam na ang Biblia, na siyang Salita ng Diyos, ay ipinagkaloob ng Ama sa pamamagitan ng mga panaginip, pangitain at ng audible voice? Sa katunayan, sinabi Niya sa matutuwid na tao, na pinahayagan Niya na Siya ay mangungusap sa kanila sa ganitong pamamaraan. Ipahahayag Niya sa kanila ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng mga panaginip at pangitain.
Napapaloob sa Bagong Tipan ang maraming kuwentong nagsasaysay kung paano ipinahayag ng Ama ang kaligtasan. Maraming tinatawag na mga Kristiyano sa kasalukuyan ang sumasalungat dito, sapagkat ito mismo ay hindi nila naranasan, at sa pamamagitan ng pagsalungat nila rito, ipinakikita nila ang tunay nilang pagkatao—na sila ay hindi isinugo ng Diyos.
IISA LANG ANG SUGO
Kahit sino ay maaaring magbasa ng Biblia, gumamit ng mga bersikulo at talakayin ang anumang nasusulat sa Salita ng Diyos. Ilagay mo ang sinumang tao sa seminaryo, pagkalooban siya ng lisensiya at maaari rin niyang angkinin, “Ako ay sugo ng Diyos.” Subalit ngayon ay maihahambing na natin ang kaibahan sa pagitan ng tunay na ipinadala ng Ama ngayong mga huling araw upang kumpletuhin ang kaligtasan, at kung sino ang hindi.
Ang Anak na hinirang ngayong mga huling araw upang kumpletuhin ang gawa ng kaligtasan ng Ama ay nagdadala ng mensahe sa ating lahat sa pamamagitan ng kapahayagan ng Ama na ipinararaan sa mga panaginip at pangitain.
PALATANDAAN NG KAMANGMANGAN
Ang Bagong Tipan ay marami ring salaysay ukol sa mga taong tinawag ng Ama upang ibigay sa atin ang mga Kasulatan. Ito ay nasa ating mga kamay ngayong mga huling araw at ito ay ipinagkaloob at ipinahayag ng Ama sa paglilingkod na ito. Ang lahat ng kumakalaban sa aking mga ipinahahayag, mga karanasan, ang aking pagtawag, at sumasalungat sa aking sinasabi na ang ipinahahayag ng Ama ang Kanyang sarili sa akin ay nagpapakita ng kanilang kamangmangan sa mga pamamaraan ng Panginoon.
Ang Banal na Kasulatan na kanilang hinahawakan ay ipinahayag sa atin ng Ama, na katulad din ng pagpapahayag ko sa mga tao sa kasalukuyan. Subalit hindi nauunawaan ng mga mangmang ang aking sinasabi sapagkat sila ay hindi hinirang upang tuparin ang mga salitang ito.
BANTA SA LUMANG RELIHIYON AT DENOMINASYON
Maaari kang bumili ng Biblia sa bookstore, hawakan ito at basahin, subalit hindi maunawaan kung saan ito nagmula. Ito ay kamangmangan. Kung sinasabi mo sa mga tao na ako ay hibang, sapagkat sinasabi kong ang mga ito ay ipinahayag sa akin ng Ama, maaaring ikaw ay mangmang, o pilit mo lamang itinatago ang katotohanan sapagkat alam mong ang sinasabi ko ay katotohanan.
Subalit natatakot ka na kung makikinig sa akin ang mga tao, sila ay maliliwanagan. Ito ang ikinatatakot sa akin ng mga pastor at tinatawag na mga ministro sa denominasyon at relihiyon. Natatakot sila na sinumang seryoso at interesado sa paghahanap ng kaligtasang ipinagkaloob sa atin ng Ama ay maliliwanagan kung sila ay makikinig sa akin.
SIYA AY PAREHONG DIYOS
Sinasabi sa Mga Bilang 12:6, “At Kanyang sinabi, dinggin ninyo ngayon ang Aking mga salita: kung mayroon sa gitna ninyo na isang propeta, Akong Panginoon ay pakikilala sa kanya sa pangitain, na kakausapin ko siya sa panaginip.”
Wala pang Bagong Tipan noon. Hindi pa kumpletong nasusulat ang Lumang Tipan na ating nababasa sa kasalukuyan. Subalit sa ganitong pamamaraan ipinahayag ng Ama ang Kanyang sarili. At Siya ang iisang kahapon, ngayon at magpakailanman.
Ito ang unang pagkakataong ipinahayag ko ang mga kasulatang ito sa mga anak ng Diyos at sa lahat ng mga nais mabatid ang patungkol sa ministeryo ng Kaharian—kung papaano akong tinawag, hinirang at kung papaanong ipinahayag sa akin ng Ama ang lahat ng ipinangangaral ko sa kasalukuyan.
PAKINGGAN ANG AKING MENSAHE
Ang aking pagpapahayag na ako ang katuparan ng Luma at Bagong Tipan ay maaaring kahibangan sa paningin ng iba—taliwas sa maaaring sabihin ng isang normal na tao. Subalit kung ikaw ay seryosong makikinig sa aking mensahe, malalaman mong ang aking sinasabi ay totoo, lalo na kung susundin mo ang aking mensahe.
Ang Bago at Lumang Tipan ay natutupad na sa kasalukuyan. Ito ay natupad sa buhay ng Hinirang na Anak ng Diyos. Ang mensaheng aking ipinangangaral sa kasalukuyan ay ang katuparan ng layunin ng Ama sasimula’t simula pa na makapagprodyus ng bagong tao, ng bagong anak. Ito ang dahilan kung kaya’t ang Salita ng Diyos ay ibinigay sa atin: Upang makapagprodyus ng anak, ng bagong nilikha, upang lumikha ng katulad ng Kanyang imahe, na pinili mula sa fallen adamic race, upang magdala ng Kanyang Pangalan, na napalaya na mula sa serpent seed o binhi ng ahas. Ito ang katuparan ng nais ng Ama sa simula’t simula pa.
Ang Job 33:14-16 ay pagpapalawak ng Mga Bilang 12:6. Sinasabi nito, “Sapagka’t ang Diyos ay minsang nagsasalita, oo, makalawa, bagaman hindi pinakikinggan ng tao.”
Ang bersikulong ito ay patungkol sa pakikipag-usap ng Diyos sa tao. Sa bersikulo 15, “Sa isang panaginip, sa isang pangitain sa gabi, kapag ang mahimbing na pagkakatulog ay nahuhulog sa mga tao, sa mga pagkakatulog sa higaan; kung magkagayo’y ibinubukas niya ang mga pakinig ng mga tao at itinatatak ang kanilang turo.”
KAGAYA NG MATUTUWID NA TAO
Ako ay labis na nagagalak na mapabilang sa liga ng mga matutuwid na tao, maging sila man ay propeta o apostol. Ako ay nagagalak na mapabilang kina Apóstol Pablo at Moises; upang ako ay piliin ng Ama at upang Siya ay makipagtalastasan sa akin sa paraan na Kanyang ginawa sa mga matutuwid na tao noong unang panahon—hindi lamang sa isang linggo, o sa isang buwan. Gaya ng aking sinabi, ako ay nanatili ng isang taon sa Kitbog, at ang mga panaginip at mga pangitain ay pangkaraniwang karanasan sa aking buhay. Pinili ng Ama na mangusap sa akin sa pamamagitan ng mga kapamaraanang ito.
Bago ako tinawag ng Ama, ako ay nasa Pentecostal Oneness na paglilingkod. Batid ko ang nasusulat sa Biblia sapagkat ako ay nag-aral sa Bible College. Hindi ko ito sinaulo subalit ako ay pamilyar sa mga aklat sa banal na kasulatan. Ito ay ipinangaral ko sa loob ng apat na taon, nang ako ay tinawag ng Ama at ipinahayag Niya ang Kanyang sarili sa ganitong pamamaraan.
MGA KAPAHAYAGAN SA DALAWANG BUNDOK
Nang ako ay nasa Mt. Kitbog, ako ay tumanggap ng mga pangitain, panaginip at mga kapahayagan sa loob ng isang taon hanggang sa ang lahat ng mga katanungan ay nabura sa aking isipan at nabatid ko na Siya ang tumatawag sa akin. Hindi ko lamang pinag-aralan ang Biblia at ipinahayag sa buong mundo na ako ay sugo ng Diyos, dahil alam ko nang mangaral ng Kanyang Salita. Ako ay bumaba sa Kitbog at ako ay tumanggap ng instruksiyon na umakyat sa isa pang bundok. Itong lahat ay sa pamamagitan ng mga kapahayagan.
Ako ay lumipat sa isa pang bundok at hinayaan ng Ama na ako ay manatili roon sa loob ng limang taon. Nakumpleto ko ang kursong nais ng Ama na aking pagdaanan, na siya ngayong ipinahahayag ko sa buong sanlibutan. Ito ay sa kapamaraanang mauunawaan ng mga tao.
Ito ay hindi natin ipinangangaral, at namumuhay nang taliwas sa ating itinuturo. Tayo ay namumuhay nang naaayon sa ating ipinangangaral at tayo ay namumuhay sa pagsusunod sa kalooban ng Ama. Anuman ang kalooban ng Ama, nauunawaan man natin ito o hindi, ito ay ating ginagawa sapagkat ito ang nais ng Ama na ating gawin.
Kung ikaw ay pinagpala sa mensaheng ito, sumulat kay Pastor Apollo C. Quiboloy, P.O. Box 80118, Davao City Central Post Office, Davao City, 8000 Philippines. Mapanonood si Pastor Apollo C. Quiboloy sa Sonshine TV Channel 39 Manila at Channel 43 Davao at sa www.acqkbn.tv, www.acqkbn.com, www.kingdomofjesuschrist.org at sa ACQ-Kingdom Broadcasting Network stations sa buong Pilipinas at buong mundo. Siya rin ay mapakikinggan sa Sonshine Radio DZAR 1026 Manila, DXAQ 1404 Davao at sa lahat ng mga Sonshine Radio Stations sa buong Pilipinas, maging sa www.sonshineradio.com. Para sa inyong mga katanungan, tumawag sa (02)453-2516 Manila o sa (082)234-2866 to 67 Davao.
(Ikalawang Bahagi>>) |