(Unang Bahagi)
Ang pagtawag na aking tinanggap mula sa Ama, higit sa 30 taon na ang nakalilipas ay nakapagpayanig sa mga pundasyon ng aking buhay at paniniwala. Ako ay hinango nito mula sa komportableng kalagayan at seguridad ng aking Kristiyanong denominasyon at ako ay inilagay sa daang hindi ko nakikilala. Ako ay tinawag ng Ama upang ang kaligtasan ng tao ay makumpleto, subalit ito ay sa pamamaraan na hinding-hindi ko nababatid ni nauunawaan. Ito ay hindi mauunawaan ng isang tao kung ang gagamitin niya ay ang kanyang ordinaryong makataong pag-iisip. Ito ay hindi ko naunawaan sa matagal na panahon.
Marami ang tumatawag sa akin at sa aking ministeryo na kulto dahil sa kapahayagang ibinigay sa akin ng Ama at dahil sa Salita ng Diyos na aking ipinangangaral. Kinukuwestiyon nila ang katotohanan ng aking sinasabi…subalit ito ay hindi na bago. Bago pa man sila nagtanong sa akin ay naitanong ko na ang aking sarili. Ako ay nanatili sa isang malayong bundok sa loob ng isang taon, upang makatiyak na ang aking tinatanggap ay mula nga sa Diyos. Ang tanging espirituwal na puhunang nakapaghimok sa aking magpatuloy sa kabila nang kawalang-katiyakan ay ang aking katapatan at sinseridad na masumpungan ang katotohanan. Ito lamang ang nasa sa aking puso.
HINDI NAKITA NG MATA
Sinasabi ng Salita ng Diyos sa 1 Corinto 2:9-16: “Datapuwa’t gaya ng nasusulat, Ang mga bagay na hindi nakikita ng mata, at ni narinig ng tainga, Ni hindi pumasok sa puso ng tao, Anomang mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsiibig sa Kanya.
“Nguni’t ang mga ito ay ipinahayag sa atin ng Dios sa pamamagitan ng Espiritu; sapagka’t nagsisiyasat ng Espiritu ang mga bagay, oo, ang malalalim na mga bagay ng Dios.
“Sapagka’t sino sa mga tao ang nakakikilala ng mga bagay ng tao, kundi ang espiritu ng tao, na nasa kanya? Gayundin naman ang mga bagay ng Dios ay hindi nakikilala ng sinuman, maliban na ng Espiritu ng Dios.
“Nguni’t ating tinanggap, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang espiritung mula sa Dios; upang ating mapagkilala ang mga bagay na sa atin ay ibinigay na walang bayad ng Dios.
“Na ang mga bagay na ito ay atin namang sinasalita, hindi sa mga salitang itinuturo ng karunungan ng tao, kundi sa itinuturo ng Espiritu; na iniwawangis natin ang mga bagay na ayon sa espiritu sa mga pananalitang ayon sa espiritu.
“Nguni’t ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagka’t ang mga ito ay kamangmangan sa kanya; at hindi niya nauunawaan, sapagka’t ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu.
“Nguni’t ang sa espiritu ay nagsisiyasat sa lahat ng mga bagay, at siya’y hindi sinisiyasat ng sinuman.
“Sapagka’t sino ang nakakilala ng pag-iisip ng Panginoon, upang siya’y turuan niya? Datapuwa’t nasa atin ang pag-iisip ni Cristo.”
AKO AY TINAWAG
NG AMA
Ang ministeryo ng The Kingdom of Jesus Christ ay ipinagkatiwala sa akin sa pamamagitan ng kapahayagan. Ako ay tinawag ng Ama nang ako ay nasa denominasyon pa lamang, kung saan ako at ang aking buong pamilya ay dating nabibilang. Wala akong nakilalang ibang uri ng pagtawag dahil inisip ko na ako ay nangangaral na ng Salita ng Diyos bilang mangangaral sa Kristiyanong denominasyon. Inisip ko na ako ay ginagamit na ng Ama bilang instrumento na magpapahayag ng Kanyang mga Salita. Subalit kalaunan ay natutunan ko na ang panahon ng pananatili ko sa denominasyon ay isa lamang hakbangin para sa higit na dakilang pagtawag na naghihintay sa akin sa hinaharap.
Habang ako ay nasa South Korea, maraming-maraming taon na ang nakalilipas, ang aming simbahan ay naharap sa isang krisis. Ako ay kasama ng International Youth Corps ng aming denominasyon, kung saan ako ay kumatawan sa Pilipinas. Ang krisis na iyon ay naganap habang kami ay namamahagi ng mga invitational leaflets sa mga Koreano. Sa kasamaang-palad, ang invitational tracts ay nakapag-insulto sa mga Koreano dahil nakaimprenta sa mga ito: ‘If you are tired of dead religion, try Pentecost,’ at sa ibaba nito ay may guhit ng larawan ni Buddha. Hindi namin batid na ang asawa ng Presidente ng South Korea ay nangungunang kasapi ng Budismo. Iniutos niyang kami ay humingi ng paumanhin. Kami ay mahigpit na binantayan matapos ng nasabing pangyayari at kami ay hindi makalabas sa aming hotel. At bago pa man mailimbag ang mga nasabing tracts ay marami nang insidente ng pang-uusig at karahasan ang naganap sa aming mga simbahan sa Korea.
ANG UNANG AUDIBLE VOICE NA AKING NARINIG
Kami ay tinipon ng aming superintendent sa hotel ballroom at kami ay inutusang manalangin nang taimtim upang kami ay makaalpas sa situwasyong iyon. Habang kami ay nananalangin, narinig ko ang audible voice ng Ama sa unang pagkakataon. Narinig ko ang tinig na tatlong beses na nagsasabi: “I will use you.” Inakala ko na iyon ay mula sa isa sa mga Amerikanong superintendents na nagsalita malapit sa aking tainga. Kaya ako ay dumilat at lumingon kung sino ang nagsabi ng mga salitang iyon. Subalit nang ako ay tumingin sa aking palibot, walang tao sa aking likod dahil sa ang lahat ay nakaluhod at nananalangin. Ang lahat ay nananalangin at umiiyak nang napakalakas, kung kaya’t milagro na narinig kong may isang tinig na nangungusap sa akin. Ang pangyayaring iyon ay naging palaisipan sa aking puso hanggang sa ako ay bumalik sa Pilipinas.
Matapos ng pangyayaring iyon, ang atensiyon ng mga Buddhists ay nawala sa amin dahil sa pagkakapaslang ng Presidente ng South Korea. Kami ay nakatakas mula sa Korea at ako ay nakabalik sa Pilipinas. Inisip ko na hindi ko na muling mararanasan ang aking naranasan sa hotel ballroom, subalit ako ay nagkamali. Matapos nito ay napakaraming milagrong hindi ko pa nababatid noong una ang aking naranasan. Ako ay namangha dahil dito. Ako ay isang karaniwang tao lamang. Bagaman ako ay nangangaral na ng mga panahong iyon, hindi ko pa naririnig ang audible voice ng Ama sa aking buhay.
SA SUKDULAN
NG ESPIRITUWAL NA PAGTAWAG
Hindi ko sinabi sa kahit kanino man ang aking karanasan. Subalit ang mga milagro ay nagpatuloy hanggang sa natagpuan ko ang aking sarili sa gitna ng situwasyong hindi ko maiiwasan. Tila may isang kakaibang kapangyarihan na nagtutulak sa akin na magtungo sa isang direksiyon kung saan hindi matatanaw ang kinabukasan. Nais kong sundin ang daan ng aking denominasyon dahil ito ang natural na direksiyong tinatahak ng aking buhay at natural na tanggapin ko kung ano ang ibinibigay nila sa akin, na sa aking limitadong pananaw ay lubhang malaki.
Kung ikaw ay isang Pilipino, at ikaw ay aaluking manatili sa Amerika, magkaroon ng magandang suweldo, paaasawahin ng isang magandang Amerikana, at pangangakuang muling ipadadala sa Pilipinas para sa missionary work, ito ay hindi mo matatanggihan. Ako ay nakatira sa isang third world country, at ang Pilipinas ay napakahirap. Kung ang langit at lupa ay ibibigay sa iyo sa ganitong pamamaraan, natural lamang na ito ay iyong tatanggapin, at sasamantalahin ang pagkakataong ibinibigay sa iyo. Ninais kong lahat ang mga bagay na ito sapagkat tila naabot ko na ang sukdulan ng mga pagpapala na maaaring ibigay ng Diyos. Walang maikukumpara sa bagay na iniaalok sa akin sa mga panahong iyon.
Sa kabila ng lahat ng nangyayari sa akin, nasumpungan ko ang aking sarili sa sukdulan ng makapangyarihang puwersang hindi ko mapigilan. Hindi ko nais magtungo sa direksiyong iyon subalit ang pambihirang kapangyarihang ito ay gumagawa ng mga sirkumstansiya sa aking buhay patungo sa isang direksiyon. Sinubukan kong lumaban at tumalikod, subalit ito ay hindi ko magawa.
(Ikalawang Bahagi>>) |