(Unang Bahagi)
Lahat tayo ay gustong pumunta sa langit. Ito ang dahilan kung bakit napakaraming Kristiyanong relihiyon at denominasyon sa kasalukuyan ang umaangking tayo ay dadalhin nila sa langit. Subalit, ang pagiging Kristiyano ba ay garantiya na ikaw ay makapupunta sa langit?
Sinasabi sa Mateo 7:21, “Hindi ang bawa’t nagsasabi sa Akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit.”
Hindi nagugustuhan ng marami sa tuwing tinatalakay ang pagsunod sa kalooban ng Ama. Nawawala ang kanilang kagalakan. Nang ang Ama ay naparito sa sanlibutan, nakita Niya kung papaanong ang mga Hudyo ay nagkunwaring sumusunod sa kalooban ng Diyos.
ANG PUSONG MALAYO SA AMA
Isinasaad sa Marcos 7:6-7, “…Mabuti ang pagkahula ni Isaias tungkol sa inyong mga mapag-imbabaw, ayon sa nasusulat, Ang bayang ito ay iginagalang Ako ng kanyang mga labi, Datapuwa’t ang kanilang puso ay malayo sa Akin. Datapuwa’t walang kabuluhan ang pagsamba nila sa Akin, na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ng mga utos ng tao.”
Ang mga taong ito ay sumamba sa Panginoon, subalit ang kanilang pagsamba ay napawalang-halaga sapagkat ang kanilang mga puso ay malayo sa Ama.
Ikaw, nasaan ang iyong puso?
ANG ATING PUSO AY ANG ATING PAG-IISIP
Ang pusong tinutukoy rito ay hindi ang literal na pusong nagbubomba ng dugo sa ating mga dibdib. Ito ay tumutukoy sa iba pang kahulugan ng salitang “puso” sa Hebreong lengguwahe. Ang pusong tinutukoy sa Marcos 7:7 ay ang ating pag-iisip.
Nasa ating pag-iisip ang lahat ng bagay na ating isinasadiwa. Ang ating mga iniisip ay nagiging salita at ang mga salitang ito ay nagiging mga konsepto. Ang mga konseptong ito naman ay nagiging mga ideya at ang mga ideya ang siyang bumubuo sa ating pagkatao!
Ang puso ay ang tumutukoy sa ating conscious at sub-conscious mind o pag-iisip. Ang ating sub-conscious mind ang totoo nating pag-iisip. Ang lahat ng tunay nating nararamdaman ay napaloloob sa ating sub-conscious mind. Ang ating conscious mind naman ang siyang kumokontrol sa atin. Ang ating pag-iisip ang siyang luklukan ng espiritu, espiritu man ng kaaway o ng Panginoon.
Sinasabi sa Mateo 6:21, “Sapagka’t kung saan naroon ang iyong kayamanan, doon naman doroon ang iyong puso.”
ANG PAGSUBOK NG PUSO
Hinahanap ng Panginoon ang puso ng mga taong wala pa sa Kaharian. Kapag ikaw ay lumapit sa Kanyang presensiya, ang itatanong ng Ama ay, “Nasaan ang iyong puso?”
Napakaraming tao ang nagrereklamo sa tuwing ako ay nangangaral patungkol sa pagbabalik ng ikapu sa Panginoon. Pinararatangan nila ang paglilingkod na ito na palaging tumatalakay sa pagbibigay; subalit hindi pera ang hinahanap ng Panginoon. Tinitingnan Niya kung nasaan ang iyong puso.
Kaya, ang pagbibigay ng ikapu ay hindi pagsubok sa pagbibigay ng salapi kundi pagsubok sa iyong puso.
Bakit palaging sangkot ang pera sa tuwing sinusubukan ng Diyos ang puso ng tao?
Dahil sa ang tao ay hindi nagagalit sa tuwing siya ay tumatanggap ng salapi, subalit siya ay nagagalit sa tuwing kinakailangan niyang magbigay. Bakit ganito? Ito ay dahil sa ang puso ng tao ay nababalot ng kanyang salapi.
Kinakailangan nating lutasin ang isyung ito: tayo ba ay may pag-ibig sa Diyos o pag-ibig sa salapi?
INIIBIG BA NATIN NANG TUNAY ANG DIYOS?
Madalas nating sabihing iniibig natin ang Panginoon. Subalit ang Salita ng Diyos ay nagsasabing kung saan naroon ang iyong kayamanan, ay naroroon ang iyong puso(Mateo 6:21).Ang puso ang sentro ng ating pag-isiip. Ito ang sentro ng ating buhay. Ito ang ating iniibig. At kung may magtatatangkang kunin kung ano ang ating iniibig, natural lamang na tayo ay masasaktan.
Ano ang sinabi ng Ama? Nasusulat sa Juan 14:15, “Kung Ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang Aking mga utos.” Ang pagbibigay ng ikapu ay isa sa Kanyang mga kautusan. Kung Siya ay iyong mahal, ang iyong pagbibigay ay hindi magiging isyu. Ang isyu rito ay kung ano ang nilalaman ng iyong puso.
Upang malaman mo kung nasaan ang iyong puso, suriin mo kung saan mo ginugugol ang iyong pera at panahon.
Kung makikita ng Ama na ang iyong puso ay nababalot ng pag-ibig sa salapi, siguradong ito ay Kanyang lilinisin. Aalisin Niya ang pag-ibig sa salapi na nasa iyong puso at ito ay magiging pag-ibig sa Kanya. Ito ang dahilan kung bakit napakaraming mga anak ng Diyos ang kinakailangan munang mawalan ng lahat ng bagay sa kanilang buhay, kabilang na ang kanilang kayamanan at materyal na mga pag-aari, upang sila ay manumbalik sa kalooban ng Diyos.
PAGHAHANAP SA KAHARIAN
Ayon sa Mateo 6:33, “Datapuwa’t hanapin muna ninyo ang Kanyang Kaharian at ang Kanyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.”
Ano ang ibig sabihin nito? Bawat tao ay nag-iisip para lamang sa kanyang sariling kapakanan. Ito ay hindi tama! Sa halip na isaalang-alang natin kung ano ang makukuha natin para sa ating sarili, unahin muna natin kung ano ang makapagpapalago at makapagbibigay kaluwalhatian sa Kaharian ng Ama.
Kaya’t kung ikaw ay naging matapat na anak ng Diyos, ang unang bagay na iyong alalahanin kung ikaw ay tatanggap ng mga pagpapala, ay kung ano ang magagawa mo para sa ikasusulong ng Kaharian.
ANG ANAK ANG TAHANAN NG AMA
Bakit may Anak? May Anak sapagkat Siya ng tahanan ng Ama dito sa lupa.
Lahat tayo ay gustong pumunta sa langit. Napakaganda ng langit. Ito ay gawa sa purong ginto. Bawat tao ay nag-iisip na ang langit ay ang kanyang magiging tirahan pagdating nang panahon, subalit wala ni isa mang nag-iisip kung saan titira ang Ama.
Ang Ama ay hindi maaaring manahan sa lugar na gawa sa ginto. Gaano man kaganda ang langit; ito ay magiging malungkot na lugar kung ang mga anak ng Diyos ay hindi makaparoroon.
Saan nais manahan ng Ama? Nais ng Ama na manahan sa atin. Subalit nang naparito Siya sa lupa, at naghanap ng lugar na matitirhan, wala ni isa mang karapat-dapat na Kanyang maging tahanan. Gaya ng isinasaad sa Mga Taga-Roma 3:23, “Sapagka’t ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios.”
SI JESUS CHRIST ANG EHEMPLO
Hanggang sa dumating ang araw na Siya ay humirang ng isang binhi mula sa lahi ng unang Adan, kung papaanong Siya ay gumamit ng katawang pinanahanan ng Kanyang Espiritu sa Hudyong kapanahunan o Jewish setting. Sa kasalukuyang henerasyon, Siya ay muling nagsilang ng isang katawan kung saan Siya ay mananahan. Siya ay naparito upang iligtas ang unang Adan at upang ang katawang ito na Kanyang pinili ay gawin Niyang tahanan.
Paano ito maisasakatuparan ng Ama? Kinakailangan muna Niyang gumawa ng ehemplo.
Ang Ama sa Jewish setting ang siyang halimbawa ng pagiging Anak ng Diyos. Sino sa lahi nina Adan at Eba ang maaaring maging tulad Niya, na ipinanganak sa Espiritu ng Diyos?
Alam ba ninyo kung bakit ang Panginoon ay nagdusa para sa ating mga kasalanan? Nababatid ba ninyo kung bakit Siya nagsakripisyo sa Krus ng Kalbaryo? Ito ay upang ako, na Kanyang Anak, ay maisilang!
BAKIT NAGDUSA ANG AMA
Ang dahilan ng Kanyang pagdurusa ay upang makaprodyus ng katawan mula sa lahi ng unang Adan, na nagtataglay ng espritu ng ikalawang Adan, na si Jesus Christ, na ang katapatan ay nasa Ama. Ang katawang iyon ay magiging Kanyang Anak, na siyang modelo ng lahat ng taong nabibilang sa lahi ng unang Adan.
Mayroong mga pagkakataong ang Ama ay sadyang magiging mabagsik sa iyo. Ikaw ba ay mananatiling tapat sa Kanya?
Ang Ama ay naging mabagsik kay Hesu Kristo, na Siyang Anak sa Jewish setting. Siya ay ipinako sa krus dahil sa kabagsikang iyon. Ipinahayag ng Anak ang kalupitang ito na Kanyang naramdaman habang Siya ay nakapako sa krus. Sinabi Niya, “Ama, Ama, bakit mo ako pinabayaan?”
Subalit ang Anak ay hindi sumuway sa kalooban ng Ama. Sa halip, ininom Niya ang mapait na saro ng pagsunod. Iyan ang tunay na Anak!
Sinasabi ng Isaias 53:10 na nang ipako sa krus Si Jesus Christ, Siya ay nalugod sapagkat nakita Niya ang Kanyang binhi – ang binhi na siyang magliligtas sa lahi ng unang Adan. Sapagkat mula sa lahi ng unang Adan ay lilitaw ang katawan na kung saan ang bagong binhi ay isisilang. Ang araw na iyon ay natupad na, sapagkat ang Kanyang Anak ay naririto na kasama natin!
(Huling Bahagi>>)
|